Prayers & Meditations
Tagalog ·
Dapat usalin minsan sa dalawampu’t apat na oras
- Sinumang nagnanais na umusal sa panalanging ito, hayaang siya ay tumindig at humarap sa Diyos, at habang siya ay nakatayo sa kaniyang lugar, hayaang siya ay tumingin sa kanan at sa kaliwa, na waring naghihintay ng habag ng kaniyang Panginoon, ang Pinaka Mahabagin, ang Madamayin. Pagkatapos, hayaang sabihin niya:
O Ikaw na Panginoon ng lahat ng mga pangalan at Lumikha ng mga kalangitan! Isinasamo ko sa Iyo sa pamamagitan nila na mga Pamimitak ng Iyong di-nakikitang Kalikasan, ang Pinaka Dakila, ang Maluwalhati sa Lahat, na sa aking dalangin ay lumikha ng isang apoy na sisilab sa mga lambong na naglingid sa akin sa Iyong kagandahan, at ng isang liwanag na mag-aakay sa akin patungo sa karagatan ng pagkamalas sa Iyo.
- Pagkatapos, hayaang itaas niya ang kaniyang mga kamay sa pagsusumamo sa Diyos-pagpalain at luwalhatiin Siya-at sabihin:
O Ikaw na Mithiin ng daigdig at Minamahal ng mga bansa! Nakikita Mo akong bumabaling sa Iyo, at malaya sa lahat ng kaugnayan sa anuman maliban sa Iyo, at nangangapit sa Iyong kuldon, na sa paggalaw nito ang buong santinakpan ay napukaw. Ako ang Iyong tagapaglingkod, O aking Panginoon, at anak ng Iyong tagapaglingkod. Iyo akong masdan nang nakatayo at handang gawin ang Iyong kalooban at ang Iyong nais, at walang ibang hinahangad maliban sa Iyong mabuting kasiyahan. Isinasamo ko sa Iyo sa Karagatan ng Iyong kahabagan at sa Araw-Bituin ng Iyong biyaya na gawin sa Iyong tagapaglingkod ang Iyong niloloob at ikinasisiya. Saksi ang Iyong kapangyarihan na hindi makakayang abutin ng lahat ng pagbanggit at pagpuri! Anuman ang Iyong ipinahayag ay ang hangarin ng aking puso at ang minamahal ng aking kaluluwa. O Diyos, aking Diyos! Huwag tingnan ang aking mga pag-asa at aking mga gawa, sa halip tingnan ang Iyong kalooban na pumapalibot sa mga kalangitan at kalupaan. Saksi ang Iyong Pinakadakilang Pangalan, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng bansa! Ang tanging hangad ko ay ang Iyong hinahangad, at ang tanging pag-ibig ko ay ang Iyong iniibig.
- Hayaang siya ay lumuhod, at nang nakayukod ang noo sa lupa, hayaang sabihin niya:
Ikaw ay dakila nang higit sa paglalarawan ng sinumam maliban sa Iyong Sarili, at pag-unawa ng sinumang iba pa liban sa Iyo.
- Hayaang siya ay tumindig at sabihin:
Gawin ang aking dalangin, O aking Panginoon, na maging isang bukal ng mga buhay na tubig upang dito ako ay maaaring mabuhay habang nananatili ang Iyong paghahari, at maaaring banggitin Kita sa bawat daigdig ng Iyong mga daigdig.
- Hayaang muling itaas niya ang kaniyang mga kamay sa pagsusumamo, at sabihin:
O Ikaw na ang pagkalayo sa Iyo ay ikinatutunaw ng mga puso at kaluluwa, na sa pamamagitan ng apoy ng Iyong pag-ibig ay nagliyab ang buong daigdig! Sumasamo ako sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong Pangalan na sumakop sa buong santinakpan, na huwag ipagkait sa akin yaong nasa sa Iyo, O Ikaw na naghahari sa lahat ng tao! Iyong nakikita, O aking Panginoon, ang dayuhang ito na nagmamadaling patungo sa kaniyang pinakadakilang tahanan sa lilim ng bubong ng Iyong kamahalan at sa loob ng mga bakuran ng Iyong kahabagan; at ang nagkasalang ito na hinahanap ang karagatan ng Iyong kapatawaran; at ang abang ito na hinahanap ang liwasan ng Iyong kaluwalhatian; at ang dukhang ito na hinahanap ang kinaroroonan ng Iyong kayamanan. Nasa Iyo ang kapangyarihan na mag-atas ng anumang Iyong niloloob. Saksi ako na Ikaw ay dapat purihin sa Iyong mga ginagawa, at dapat sundin ang Iyong mga utos, at dapat manatiling hindi napipigilan sa Iyong mga pag-uutos.
- Hayaang itaas niya ang kaniyang mga kamay at bigkasin nang tatlong ulit ang Pinakadakilang Pangalan. Hayaan siyang yumuko sa harap ng Diyos-pagpalain at luwalhatiin Siya-at, nang nakapatong ang mga kamay sa mga tuhod, ay sabihin:
Iyong nakikita, O aking Diyos, kung papaanong ang aking espiritu ay ginising sa loob ng aking mga kamay at paa at mga bahagi ng aking katawan, sa paghahangad nitong sumamba sa Iyo, at sa pagnanasa nitong gunitain Ka at luwalhatiin Ka; kung papaanong pinatutunayan nito yaong pinatunayan ng Dila ng Iyong Kautusan sa kaharian ng Iyong pananalita at sa kalangitan ng Iyong kaalaman. Ninanais ko, sa ganitong kalagayan, O aking Panginoon, na hilingin sa Iyo ang lahat ng nasa Iyo, upang maipakita ko ang aking karukhaan at mapalaki ang Iyong pagpapala at ang Iyong mga kayamanan, at maipahayag ang aking kawalang-kakayahan, at maipakita ang Iyong lakas at Iyong kapangyarihan.
- Hayaang siya ay tumayo at dalawang ulit na itaas sa pagsusumamo ang kaniyang mga kamay, at sabihin:
Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Nagtatadhana sa simula at sa wakas. O Diyos, aking Diyos! Ang Iyong pagpapatawad ay nakapagpatapang sa akin, at ang Iyong habag ay nakapagpalakas sa akin, at ang Iyong panawagan ay nakapukaw sa akin, at ang Iyong biyaya ay nakapagpabangon sa akin, at umakay sa akin tungo sa Iyo. Sino, kung gayon, ako na magtatangkang tumayo sa pintuan ng lunsod ng Iyong pagkakalapit, o iharap ang aking mukha sa mga liwanag na nagniningning sa langit ng Iyong kalooban? Iyong nakikita, O aking Panginoon, ang hamak na nilikhang ito na kumakatok sa pintuan ng Iyong pagpapala, at ang napaparam na kaluluwang ito na naghahanap sa ilog ng walang hanggang buhay buhat sa mga kamay ng Iyong pagpapala. Nasa Iyo ang pag-uutos sa lahat ng panahon, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng pangalan; at nasa akin ang pagtanggap at handang pagpapasailalim sa Iyong kalooban, O Maylikha ng mga kalangitan!
- Hayaang itaas niya nang tatlong ulit ang kaniyang mga kamay at sabihin:
Higit na dakila ang Diyos kaysa bawat ibang dakila!
- Hayaang lumuhod siya, at habang nakayukod ang ulo sa lupa ay sabihin:
Ikaw ay napakataas para sa papuri ng mga malapit sa Iyo upang makaakyat sa kalangitan ng Iyong pagkamalapit, o para sa mga ibon ng mga puso ng matatapat sa Iyo upang makarating sa bungad ng Iyong pintuan. Pinatutunayan ko na Ikaw ay pinagpala nang higit sa lahat ng mga katangian at banal sa lahat ng mga pangalan. Walang Diyos maliban sa Iyo, ang Pinakadakila, ang Ma- luwalhati sa Lahat.
- Hayaang umupo siya at sabihin:
Pinatutunayan ko yaong pinatunayan ng lahat ng nilalang na bagay, at ng Kalipunan sa itaas, at ng mga nananahan sa Paraiso ng pinakamataas sa lahat, at sa kabila ng mga iyon ay ang Dila ng Kamaharlikaan mismo mula sa maluwalhati sa lahat na Sugpungang-guhit, na Ikaw ang Diyos, na walang Diyos maliban sa Iyo, at Siya na inihayag ay ang Natatagong Hiwaga, ang Pinaka-iingatang Sagisag, na sa pamamagitan Niya ang mga pantig na Ma at Ging (Maging) ay napagkabit at napagsama. Pinatutunayan ko na Siya yaong ang pangalan ay isinulat ng Panulat ng Pinakamataas, at Siya yaong binanggit sa mga Aklat ng Diyos, ang Panginoon ng Trono sa kaitaasan at ng daigdig sa ibaba.
- Hayaang tumindig siya nang tuwid at sabihin:
O Panginoon ng lahat ng nilalang at Nagmamay-ari ng lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita! Iyong nakikita ang aking mga luha at naririnig ang aking mga buntong-hininga; at napakikinggan ang aking pagdaing, at ang aking pagtangis, at ang paghihinagpis ng aking puso. Saksi ang Iyong Kapangyarihan! Ang aking mga pagkakamali ay nakapigil sa akin sa paglapit sa Iyo; at ang aking mga pagkakasala ay nakapaglayo sa akin sa liwasan ng Iyong kabanalan. Ang Iyong pag-ibig, O aking Panginoon, ay nagpayaman sa akin, at ang pagkahiwalay sa Iyo ay nakawasak sa akin, at ang pagkalayo sa Iyo ay nakatupok sa akin. Isinasamo ko sa Iyo sa pamamagitan ng mga bakas ng Iyong paa sa kagubatang ito, at sa pamamagitan ng mga salitang “Narito Ako. Narito Ako,” na binigkas ng Iyong mga pinili sa kalawakang ito, at sa mga hininga ng Iyong Rebelasyon, at sa malulumanay na hangin ng Pagbubukang-liwayway ng Iyong Kahayagan, na itadhana na mamalas ko ang Iyong kagandahan at sundin ang anumang nasa Iyong Aklat.
- Hayaang ulitin niya nang tatlong ulit ang Pinakadakilang Pangalan at yumuko nang nakapatong sa mga tuhod ang mga kamay at sabihin:
Luwalhati sa Iyo, O aking Diyos, na ako ay Iyong tinulungan upang Ikaw ay gunitain at Ikaw ay purihin, at Iyong ipinabatid sa akin Siya na Pamimitak ng Iyong mga palatandaan, at naging sanhi upang ako ay yumuko sa harap ng Iyong Pagka-Panginoon, at magpakumbaba ng aking sarili sa harap ng Iyong Pagka-Diyos, at tanggapin yaong binanggit ng Dila ng Iyong kamaharlikaan.
- Hayaang siya ngayon ay tumayo at sabihin:
O Diyos, aking Diyos! Ang aking likod ay nabaluktot sa bigat ng aking mga pagkakasala, at ang aking kapabayaan ay sumira sa akin. Kailanmang limiin ko ang aking mga ginagawang masama at ang Iyong kabaitan, ang aking puso ay natutunaw sa loob ng aking sarili, at ang aking dugo ay kumukulo sa aking mga ugat. Saksi ang Iyong Kagandahan, O Ikaw na Mithiin ng daigdig! Namumula ako sa hiya kung ako ay magtataas ng mukha sa Iyo, at ang aking nananabik na mga kamay ay napapahiyang umunat tungo sa kalangitan ng Iyong pagpapala. Iyong nakikita, O aking Diyos, kung papaanong pinipigilan ako ng aking mga luha sa paggunita sa Iyo at sa pagbibigay-puri sa Iyong mga katangian, O Ikaw na Panginoon ng Trono sa kaitaasan at ng daigdig sa ibaba! Sumasamo ako sa Iyo sa pamamagitan ng mga palatandaan ng Iyong Kaharian at sa mga hiwaga ng Iyong Kapangyarihan na gawin sa Iyong mga minamahal ang sang-ayon sa Iyong pagpapala, O Panginoon ng lahat ng nilalang, at yaong karapat-dapat sa Iyong pagpapala, O Hari ng nakikita at ng di-nakikita!
- Hayaang ulitin niya nang tatlong ulit ang Pinakadakilang Pangalan, at lumuhod at habang nakayukod ang ulo sa lupa ay sabihin:
Purihin Ka nawa, O aming Diyos, pagka’t Iyong inihulog sa amin yaong naglalapit sa amin sa Iyo, at Iyong ipinagkaloob sa amin ang bawat mabuting bagay na Iyong ipinadala sa Iyong mga aklat at sa Iyong mga banal na kasulatan. Iyo kaming iligtas, sumasamo kami sa Iyo, O aking Panginoon, mula sa mga hukbo ng mga walang kabuluhang mga isipan at walang saysay na mga guni-guni. Ikaw sa katotohanan, ang Makapangyarihan, ang Nakababatid ng Lahat.
- Hayaang itaas niya ang kaniyang ulo, iupo ang kaniyang sarili at sabihin:
Pinatutunayan ko, O aking Diyos, yaong pinatunayan ng Iyong mga hinirang, at tinatanggap yaong tinanggap ng mga nanananhan sa pinakamataas sa lahat na Paraiso at yaong mga tinanggap ng mga lumilibot sa Iyong makapangyarihang Trono. Ang mga kaharian ng kalupaan at kalangitan ay Iyo, O Panginoon ng mga daigdig!
Ang Tabletang ito ay binabasa sa mga Dambana ni Bahá’u’lláh at ng Báb. Ito ay malimit ding gamitin sa paggunita sa Kanilang mga anibersaryo.
Ang papuring nagliwayway buhat sa Iyong kamahal-mahalang Sarili, at ang kaluwalhatiang sumikat buhat sa Iyong maningning na Kagandahan, ay nananahan sa Iyo, O Ikaw na Kapahayagan ng Kamaharlikaan, at Hari ng Kawalang-hanggan, at Panginoon ng lahat ng nasa langit at nasa lupa! Pinatutunayan ko na sa pamamagitan Mo ang paghahari ng Diyos at ang Kaniyang kaharian, at ang kamaharlikaan, ay nahayag, at ang mga Araw-Bituin ng matandang karilagan ay nagpalaganap ng kanilang ningning sa langit ng Iyong di-mababaling kautusan, at ang Kagandahan ng Di-nakikita at sumikat sa itaas ng guhit-sugpungan ng santinakpan. Pinatutunayan ko, at higit dito, na sa isa lamang kilos ng Iyong Panulat ang Iyong utos na “Ikaw ay maging” ay naipatupad, at ang nakatagong Lihim ng Diyos ay naihayag, at lahat ng nilikhang bagay ay tinawag sa pagkabuhay, at lahat ng Kapahayagan ay ipinapanaog.
Pinatutunayan ko, at higit dito, na sa pamamagitan ng Iyong kagandahan, ang kagandahan ng Sinasamba ay inalisan ng takip, at sa pamamagitan ng Iyong mukha, ang mukha ng Hinahangad ay sumikat, at sa pamamagitan ng isang salita buhat sa Iyo, nakapamili Ka sa lahat ng mga bagay na nilalang; yaong matatapat sa Iyo ay tinulutan Mong makaakyat sa tuktok ng kaluwalhatian, at ang mga walang pananampalataya ay mahulog sa pinakamalalim na bangin.
Pinatutunayan ko na ang nakakilala sa Iyo ay nakakilala sa Diyos, at ang nakarating sa Iyong harapan ay nakarating sa harapan ng Diyos. Dakila samakatwid, ang pagpapala niya na nanampalataya sa Iyo, at sa Iyong mga tanda, at nagpakababa sa harap ng Iyong kapangyarihan, at naging karangalan ang pakikipagtapo sa Iyo, at nakaabot sa mabuting kasiyahan ng Iyong kalooban, at nakaligid sa Iyo, at nakatayo sa harap ng Iyong trono. Kapighatian ay mapapasa Kaniya na sumalansang sa Iyo, at tumanggi sa Iyo, at nagpawalang-saysay sa Iyong mga tanda, at tumutol sa Iyong paghahari, at nagbangon laban sa Iyo at nagpalalo sa harap ng Iyong mukha, at pinakipagtalunan ang Iyong kaharian, at nabilang sa mga walang pananampalataya na ang mga pangalan ay itinitik ng mga daliri ng Iyong utos sa Iyong mga banal na Tableta.
Itulak Mo kung gayon patungo sa akin, O aking Diyos at aking Mahal, buhat sa kanang kamay ng Iyong kahabagan at Iyong mapagmahal na kaawaan, ang mga banal na hininga ng Iyong mga pagtatangkilik, nang upang ako’y mailayo ng mga iyon sa aking sarili at sa daigdig patungo sa mga liwasan ng pagkalapit sa Iyo at pagkaharap sa Iyo. May kakayahan Kang gumawa ng ikinasisiya Mo. Tunay na Ikaw ay nakapangyayari sa lahat ng bagay.
Ang pag-alaala sa Diyos at ang pagpuri sa Kaniya at ang kaluwalhatian ng Diyos at ang Kaniyang karilagan, ay nananahan sa Iyo, O Ikaw na Kaniyang Kagandahan! Saksi ako na ang mata ng santinakpan ay di kailanman nakamalas ng isang pinagkasalahan na tulad Mo. Nakalubog Ka sa lahat ng araw ng Iyong buhay sa karagatan ng mga paghihirap. May isang panahong Ikaw ay nakatanikala; sa isa pang panahon ay pinagbantaan Ka ng mga tabak ng Iyong mga kaaway. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, iniutos Mo sa lahat ng tao na sundin yaong sa Iyo’y iniatas Niya na Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.
Ang aking espiritu ay maging hain nawa sa mga kasamaang pinagdusa Mo, at ang aking kaluluwa ay maging panubos nawa sa mga kasawiang-palad na dinanas Mo. Sumasamo ako sa Diyos sa pamamagitan Mo at nila na ang mga mukha ay tinanglawan ng kaluningningan ng liwanag ng Iyong kaanyuan, at sila na sa pag-ibig sa Iyo ay nagsagawa ng lahat ng iniatas sa kanila, na alisin ang mga lambong na nakapagitan sa Iyo at sa Iyong mga nilalang, at dulutan ako ng mabubuting bagay sa daigdig na ito at sa daigdig na darating. Ikaw sa katotohanan, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Kataas-taasan, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Laging-Nagpapatawad, ang Pinakamahabagin.
Pagpalain Mo, Panginoon kong Diyos, ang Banal na Punong-Lote at ang mga dahon niyon, at ang mga malalaking sanga niyon at ang mga maliliit na sanga niyon, at ang mga tangkay niyon, at ang mga supang niyon, hanggaang ang Iyong pinakamagagaling na pamagat at ang Iyong kamahal-mahalang mga katangian ay mananatili. Ipag-adya iyon, kung gayon, sa pamiminsala ng mapanunggali at sa mga pangkat ng manlulupig. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas. Pagpalain Mo rin, O Panginoon kong Diyos, ang Iyong mga tagapaglingkod at ang Iyong mga kawaksing babae na nakarating sa Iyo. Tunay na Ikaw ang Mapagpala sa Lahat, na ang biyaya ay walang hanggan. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Laging-Nagpapatawad, ang Pinakamagandang-loob.
Dapat usalin sa umaga, sa tanghali at sa gabi
- Sinuman ang nagnanais manalangin, hayaang hugasan niya ang kaniyang mga kamay, at samantalang siya ay naghuhugas, hayaang sabihin niya:
Palakasin ang aking kamay, O aking Diyos, upang magawa nitong hawakan ang Iyong Aklat nang buong katatagan at nang ang mga hukbo ng daigdig ay hindi makapanaig dito. Ingatan ito, kung gayon, upang hindi makialam sa anumang hindi niya pag-aari. Ikaw, sa katunayan, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas.
- At habang naghihilamos, hayaang sabihin niya:
Ibinaling ko ang aking mukha sa Iyo, O aking Panginoon! Tanglawan ito ng liwanag ng Iyong kaanyuan. Pangalagaan ito, kung gayon, sa pagbaling sa sinuman liban sa Iyo.
- Pagkatapos hayaan siyang tumayo, at nakaharap sa Qiblih, hayaang sabihin niya;
Pinatutunayan ng Diyos na walang iba pang Diyos maliban sa Kaniya. Kaniya ang mga kaharian ng Rebelasyon at ng sangnilikha. Siya, sa katotohanan, ang nagpahayag na sa Kaniya na Pamimitak ng Rebelasyon, na nakipag-usap sa Sinai, na sa pamamagitan Niya ang panawagan ay ipinatalastas sa lahat ng nasa langit at nasa lupa: “Masdan, ang Nagmamay-ari sa Lahat ay dumating na. Ang lupa at langit, kaluwalhatian at kaharian, ay sa Diyos, ang Nagmamay-ari ng Trono sa itaas at sa daigdig sa ibaba!”
- Hayaan siya, pagkatapos, ay yumuko, nang ang mga kamay ay nakapatong sa mga tuhod, at sabihin:
Ikaw ay higit na dakila kaysa sa aking pagpupuri at sa pagpupuri ng sinuman bukod sa akin, higit sa aking paglalarawan at paglalarawan ng lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa!
- Pagkatapos, nang nakatayo na bukas ang mga kamay, ang mga palad ay nakataas at nakaharap sa mukha, bayaang sabihin niya:
Huwag biguin, O aking Diyos, siya na may nagsusumamong mga daliri, na nangapit sa laylayan ng Iyong kahabagan at ng Iyong biyaya, O Ikaw na sa lahat ng nagpapakita ng habag ay ang Pinakamahabagin!
- Hayaan siya, pagkatapos, na maupo at sabihin:
Saksi ako sa Iyong kaisahan at sa Iyong pagkakaisa, na Ikaw ang Diyos, at walang iba pang Diyos liban sa Iyo. Sa katunayan, Iyong ipinahayag ang Iyong Kapakanan, tinupad ang Iyong Banal na Kasunduan, at binuksan nang maluwang ang pinto sa Iyong mga minamahal, na ang mga pagbabago at pagkakataon ng daigdig ay hindi nakapigil sa kanila upang bumaling sa Iyo, at yaong ibinigay ang lahat ng nasa kanila, sa pag-asang matamo yaong nasa Iyo. Ikaw, sa katunayan, ang Laging Nagpapatawad, ang Mapagbigay-Biyaya sa Lahat.
*(Kung nais ng sinuman na usalin, sa halip ng mahabang taludtod ang mga katagang ito: “Pinatutunayan ng Diyos na walang iba pang Diyos maliban sa Kaniya, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling Ganap,” ito ay makasasapat. Gayundin, makasasapat na kung habang nakaupo ay usalin niya ang mga salitang ito: “Saksi ako sa Iyong kaisahan at sa Iyong pagkakaisa, na Ikaw ang Diyos, na walang iba pang Diyos liban sa Iyo.”
- Ang Naw-Rúz, Marso21, ay ang unang araw ng taon ng Bahá’í.
Purihin ka, O aking Diyos, sa pag-aatas Mo na ang Naw-Rúz ay maging isang kapistahan sa mga nagsasagawa ng pag-aayuno nang dahil sa pag-ibig sa Iyo at nagsilayo sa lahat ng kasuklam-suklam sa Iyo. Loobin, O aking Panginoon na ang apoy ng Iyong pag-ibig at ang init na nalikha ng pag-aayunong iniatas Mo ay makapagparubdob sa kanila sa Iyong Kapakanan, at gawin silang abala sa pagpuri sa Iyo at sa paggunita sa Iyo.
Yamang ginayakan Mo sila, O aking Panginoon, ng palamuti ng Pag-aayuno na iniatas Mo, gayakan mo rin sila ng palamuti ng Iyong pagtanggap sa pamamagitan ng Iyong biyaya at mapagpalang pagtatangkilik. Sapagkat ang lahat ng gawa ng tao ay nananangan sa Iyong mabuting kasiyahan, at nababatay sa Iyong pag-aatas. Kung siyang lumabag sa pag-aayuno ay ituturing Mo bilang isang nakapagsagawa niyon, ang gayong tao ay ibibilang sa kanila na buhat sa kawalang-hanggan ay nagsasagawa ng pag-aayuno. At kung ipapasya Mo na siyang nagsagawa ng pag-aayuno ay lumabag niyon, ang taong ito ay ibibilang sa yaong mga naging sanhi na ang Damit ng Iyong Rebelasyon ay marumihan ng alabok, at inilayo sa kristal na tubig ng buhay na Bukal na ito.
Ikaw Siya na namagitan sa pagkataas ng bandilang “Kapuri-puri Ka sa Iyong mga gawa,” at pagkaladlad ng watawat na “Sinusunod Ka sa Iyong pag-aatas.” Ipabatid Mo ang Iyong katayuang ito, O aking Diyos, sa Iyong mga tagapaglingkod, upang malaman nila na ang kagalingan ng lahat ng bagay ay nasa Iyong pag-aatas at Iyong Salita, at ang kabutihan ng bawat kilos ay batay sa Kaniyang pahintulot at sa mabuting kasiyahan ng Kaniyang kalooban, at nang makilala na ang mga ugit ng mga gawain ng tao ay nasa kamay ng Iyong pagtanggap at Iyong mga utos. Ipabatid Mo ito sa kanila, upang walang anumang makapaglingid sa kanila sa Iyong Kagandahan, sa mga araw na itong ipinahayag ng Kristo: “Lahat ng kaharian ay Iyo, O Ikaw na Nagsilang ng Espiritu (Jesus)”, at inihayaw ng Iyong Kaibigan (Muhammad): “Luwalhati sa Iyo, O Ikaw na Pinaka-iibig, sapagkat inalisan Mo ng takip ang Iyong Kagandahan, at isinulat para sa Iyong mga pinili yaong makapagpaparating sa kanila sa luklukan ng kapahayagan ng Iyong Pinakadakilang Pangalan, na sa pamamagitan niyon ang lahat ng tao ay nagsitaghoy maliban sa mga nagsihiwalay ng kanilang mga sarili sa lahat liban sa Iyo, at nagsipag-ukol ng kanilang sarili tungo sa Kaniya na Tagapaghayag ng Iyong Sarili at kahayagan ng Iyong mga katangian.”
Siya na Iyong Sanga at lahat ng Iyong kasama, O aking Panginoon, ay huminto sa araw na ito ng kanilang pag-aayuno pagkaraang maisagawa iyon sa loob ng mga kapaligiran ng Iyong liwasan, at sa kanilang kasabikang mabigyan Ka ng kasiyahan. Iatas Mo para sa Kaniya, at para sa kanila, at para sa lahat ng nagsipasok sa Iyong pagkamalas sa mga araw na ito, ang lahat na mabubuting itinakda Mo sa Iyong Aklat. Pagkalooban sila niyong pakikinabangan nila, maging sa buhay na ito at sa kabilang buhay.
Ikaw, sa katotohanan, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.
Luwalhati sa Iyo, O Panginoon kong Diyos! Ipinamamanhik ko sa Iyo sa Iyong Pangalan na sa pamamagitan niyon ay naitatag ang Iyong kagandahan sa trono ng Iyong Kapakanan, at sa Iyong Pangalan na sa pamamagitan niyon ay binago Mo ang lahat ng bagay, at inipon Mo ang lahat ng bagay, at ginantimpalaan ang lahat ng bagay, at iningatan ang lahat ng bagay, at pinanatili ang lahat ng bagay—ipinamamanhik ko sa Iyo na tanuran ang kawaksing babaing ito na tumakas patungo sa kublihan Mo, at humanap ng kanlungan sa Kaniya na kung Kanino Ikaw Mismo ay nahahayag, at naglagak ng kaniyang buong pagtitiwala at pag-asa sa Iyo.
Siya ay may sakit, O aking Diyos, at napasa-lilim ng punungkahoy ng Iyong pagpapagaling; naghihirap, at tumakas tungo sa Lunsod ng Iyong pagkukupkop; may karamdaman, at humarap sa Ulong-Bukal ng Iyong pagtatangkilik; labis na nagdurusa, at nagmadaling makarating sa Batis ng Iyong kapayapaan; nabibigatan sa pagkakasala, at nagharap ng kaniyang mukha sa liwasan ng Iyong pagpapatawad.
Damtan Mo siya, sa pamamagitan ng Iyong paghahari at ng Iyong mapagmahal na kahabagan, O aking Diyos at aking Mahal, ng saplot ng Iyong balsamo at ng Iyong lunas, at painumin siya sa kopa ng Iyong kahabagan at ng Iyong pagtatangkilik. Gayon din, ipagtanggol siya sa bawat paghihirap at pagkakaramdam, sa lahat ng dusa at sakit, at sa alinmang maaaring maging kasuklam-suklam sa Iyo.
Tunay na Ikaw ay lubhang maluwalhati sa ibabaw ng lahat ng iba liban sa Iyo. Tunay na Ikaw ang Tagapagpagaling, ang Ganap sa lahat, ang Tagapag-ingat, ang Laging-Nagpapataawad, ang Pinakamahabagin.
Luwalhatiin Ka nawa, O Panginoon kong Diyos! Tuwing nangangahas akong banggitin Ka, ako’y pinipigilan ng aking malalaking mga kasalanan at malubhang mga pagkakasala laban sa Iyo, at namamalas ang aking sarili na lubos na pinagkakaitan ng Iyong pagpapala, at ganap na walang kakayahan na ipagdiwang ang pagpuri sa Iyo. Ang aking malaking tiwala sa Iyong kagandahang loob, gayunman, ang muling bumubuhay sa aking pag-asa sa Iyo, at ang aking katiyakan na pakikitunguhan Mo ako nang buong kasaganahan ay nagpalakas ng loob ko na Ikaw ay purihin, at hingin sa Iyo ang mga bagay na Iyong tinataglay.
Nagsusumamo ako sa Iyo, O aking Diyos, sa pamamagitan ng Iyong habag na nilalampasan ang lahat ng mga bagay na nilikha, at sinasaksihan ng lahat ng mga lubog sa ilalim ng mga karagatan ng Iyong mga pangalan, na huwag akong pabayaan sa aking sarili, sapagkat ang aking puso ay madaling maakit sa kasamaan. Pangalagaan Mo ako kung gayon, sa loob ng matibay na kuta ng Iyong pagtanggol at sa kanlungan ng Iyong pangangalaga. Ako siya, O aking Diyos, na ang tanging hangarin ay kung ano ang Iyong itinakda sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iyong lakas. Ang lahat ng pinili ko para sa aking sarili ay ang matulungan ng Iyong mapagmahal na paghirang at ang pamamayani ng Iyong kagustuhan, at ang matulungan ng mga palatandaan ng Iyong ipinag-uutos at paghatol.
Nagsusumamo ako sa Iyo, O Ikaw na Siyang Pinakamamahal ng mga puso na nananabik sa Iyo, sa mga Kapahayagan ng Iyong Kapakanan at ng mga Pamimitak ng Iyong inspirasyon, at ng mga Tagapagtanggol ng Iyong Kamahalan, at ng mga Kaban ng Iyong kaalaman, at huwag akong hayaan na pagkaitan ng Iyong banal na Tahanan, Iyong Sambahan at Iyong Tabernakulo. Tulungan Mo ako, O aking Panginoon, na maabot ang Kaniyang liwasan, umikot sa Kaniyang Sarili at mapakumbabang tumayo sa Kaniyang pintuan.
Ikaw Siya na ang kapangyarihan ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan. Walang nakaiiwas sa Iyong kaalaman. Ikaw, sa katunayan, ang Diyos ng kapangyarihan, ang Diyos ng kaluwalhatian at kadunungan.
Purihin ang Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig!
- Ang Paningit na mga Araw, Pebrero 26 hanggang Marso 1, ay mga araw ng paghahanda para sa Pag-aayuno, mga araw ng magiliw na pagtanggap sa mga panauhin, pagkakawanggawa at pagbibigay ng mga handog.
Aking Diyos, aking Apoy at aking Liwanag! Ang mga araw na pinangalanan Mong Ayyám-i-Há sa Iyong Aklat ay nagsimula na, O Ikaw na Hari ng mga pangalan, at ang pag-aayunong iniatas ng Iyong pinakamaluwalhating Panulat sa lahat ng nasa kaharian ng Iyong santinakpan na kanilang ipangilin ay dumarating na. Isinasamo ko sa Iyo, O aking Panginoon, sa mga araw na ito at sa lahat na sa panahong ito ay nangapit sa kuldon ng Iyong mga kautusan at humawak sa ugit ng Iyong mga alituntunin, na loobing bawat kaluluwa ay mabigyan ng isang lugar sa loob ng mga kapaligiran ng Iyong liwasan, at ng isang luklukan sa kapahayagan ng mga karilagan ng liwanag ng Iyong kaanyuhan.
Ang mga ito, O aking Panginoon, ay mga tagapaglingkod Mo na hindi nailayo ng masasamang hilig doon sa pinapanaog Mo sa Iyong Aklat. Iniyuko nila ang kanilang mga sarili sa harap ng Iyong Kapakanan, at tinanggap nila ang Iyong Aklat nang may pagtitika na alalaon baga’y galing sa Iyo, ginawa nila ang iniatas Mo sa kanila, at pinili nilang sundin yaong pinapanaoag Mo.
Nakikita Mo, O aking Panginoon, kung paano nila kinilala at isinaysay ang anumang ipinahayag Mo sa Iyong mga Kasulatan. Tulutan Mo silang maka-inom, O aking Panginoon, sa mga kamay ng Iyong pagbibigay-biyaya ng mga tubig ng Iyong kawalang-hanggan. Isulat, kung gayon, para sa kanila ang bigay-palang iniatas sa mga nagsipagtubog ng sarili sa karagatan ng Iyong harapan, at nakaabot sa piling ng alak ng pakikipagtagpo sa Iyo.
Isinasamo ko sa Iyo, O Ikaw na Hari ng mga Hari at Mahabagin sa mga api, na iatas para sa kanila ang mabuti ng daigdig na ito at ng daigdig na darating. Isulat din para sa kanila yaong hindi natuklasan ng sinuman sa Iyong mga nilalang at ibilang sila sa mga nakapaligid sa Iyo at nagsisikilos na palibot sa Iyong trono sa bawat daigdig ng Iyong mga daigdig.
Ikaw, tunay, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakababatid ng Lahat, ang Nakatatalos ng Lahat.
Hindi ko batid, O aking Diyos, kung ano ang Apoy na pinagningas Mo sa Iyong lupain. Hindi kailanman matatabingan ng daigdig ang ningning niyon, ni mapapatay ng tubig, ang apoy niyon. Lahat ng tao sa daigdig ay walang kakayahang makalaban sa lakas niyon. Malaki ang pagpapala niya na nakalapit doon at nakarinig sa dagundong niyon.
Ang ilan, O aking Diyos, sa pamamagitan ng nagbibigay-lakas Mong biyaya ay niloob Mong makalapit doon, samantalang ang iba ay hindi Mo tinutulan dahil sa mga bagay na ginawa ng kanilang mga kamay sa Iyong mga araw. Sinumang nagmadaling magtungo roon at nakarating doon, sa kaniyang pananabik na makamalas sa Iyong kagandahan, ay naghain ng kaniyang buhay sa Iyong landas, at nakaakyat patungo sa Iyo, nang ganap na nakahiwalay sa anumang iba pa liban sa Iyong Sarili.
Isinasamo ko sa Iyo, O aking Panginoon, sa Apoy na itong nagniningas at naglalagablab sa daigdig ng mga kinapal, na punitin ang mga lambong na nakahadlang sa akin sa pagharap sa trono ng Iyong kamahalan, at sa pagtindig sa bungad ng Iyong pintuan. Iatas mo para sa akin, O aking Panginoon, ang bawat mabuting bagay na ipinapanaog Mo sa Iyong Aklat, at tulutan Mong huwag akong malayo sa lilim ng Iyong kahabagan.
Makapangyarihan Ka, at magagawa Mo ang Iyong naisin. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamagandang-loob.
Buhat sa humahalimuyak na mga batis ng Iyong kawalang-hanggan, bigyan Mo ako ng inumin, O aking Diyos, at sa mga bunga ng punong kahoy ng Iyong sarili, hayaan Mo akong tumikim, O aking Pag-asa! Sa mga kristal na bukal ng Iyong pag-ibig, tulutan Mo akong uminom, O aking Luwalhati, at sa lilim ng anino ng Iyong walang katapusang pagpapala, hayaan Mo akong manahan, O aking Liwanag! Sa loob ng mga pastulan ng Iyong kalapitan sa harap Mo, pahintulutan Mong ako’y makagala, O aking Mahal, at sa gawing kanan ng trono ng Iyong Habag ay iluklok ako, O aking Ninanais! Buhat sa mababangong hangin ng Iyong kaligayahan, hayaang may dumapyo sa akin na isang simoy, O aking Hantungan, at sa mga kataasan ng paraiso ng Iyong realidad, tulutan akong makapasok, O aking Sinasamba! Sa mga awitin ng kalapati ng Iyong kaisahan, tulutan Mo akong makapakinig, O Lubhang Maningning, at sa pamamagitan ng espiritu ng Iyong lakas at Iyong kapangyarihan buhayin Mo ako, O aking Tagapagtustos! Sa diwa ng Iyong pag-ibig loobin Mo akong maging matapat, O aking Tagasaklolo, at sa landas ng Iyong mabuting kasiyahan patatagin ang aking mga hakbang, O aking Manlilikha! Sa loob ng hardin ng Iyong kawalang-kamatayan, sa harap ng Iyong kaanyuan, tulutan Mo akong manahan magpakailanman, O Ikaw na Mahabagin sa akin, at sa luklukan ng Iyong kaluwalhatian itatag Mo ako, O Ikaw na aking Tagapagmay-ari! Sa langit ng Iyong mapagmahal na kabutihan itaas Mo ako, O aking Tagapagbuhay, at tungo sa Bituing-Araw ng Iyong pamamatnubay akayin Mo ako, O Ikaw na aking Taga-akit! Sa harap ng mga kahayagan ng Iyong di-nakikitang espiritu tawagin Mo ako’t paharapin, O Ikaw na aking Pinagmulan at aking Pinakamatayog na Hangarin, at sa buod ng kabanguhan ng Iyong kagandahan, na Iyong ihahayag, loobin Mo akong makabalik, O Ikaw na aking Diyos!
May kakayahan Kang gumawa ng Iyong ninanais. Tunay na Ikaw ang Kataas-taasan, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Matayog sa Lahat.
Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Sa pamamagitan ng Iyong Pinakadakilang Pangalan na ginamit Mo sa pagpukaw sa Iyong mga tagapaglingkod at pagtatayo ng Iyong mga lunsod, at sa pamamagitan ng Iyong mga pinakadakilang katangian, isinasamo ko sa Iyo na tulungan Mo ang Iyong mga tao na bumaling sa kinaroroonan ng masagana Mong pagpapala, at iharap ang kanilang mga mukha sa Tabernakulo ng Iyong dunong. Pagalingin Mo ang mga karamdamang nagpapahirap sa mga kaluluwa sa bawat panig at nakapigil sa kanila sa pag-uukol ng kanilang paningin sa Paraisong naroon sa lilim ng Iyong lumulukob na Pangalan, na iniatas Mong maging Hari ng lahat ng nasa lupa. May kakayahan Kang gumawa ng minamarapat Mo. Nasa Iyong mga kamay ang imperyo ng lahat ng pangalan. W alang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan, ang Madunong.
Ako ay isa lamang hamak na nilalang, O aking Panginoon; nangangapit ako sa laylayan ng Iyong mga kayamanan. Ako ay malubhang may sakit; mahigpit akong nangapit sa kuldon ng Iyong pagpapagaling. Iligtas Mo ako sa mga karamdamang nakapalibot sa akin, at hugasan Mo akong ganap ng mga tubig ng Iyong kagandahang-loob at kaawaan, at damtan Mo ako ng saplot ng kagalingan, sa pamamagitan ng Iyong pagpapatawad at pagpapala. Ipako Mo, kung gayon, ang aking mga mata sa Iyo, at putulin Mo ang lahat ng pagkakaugnay ko sa alin mang iba pa liban sa Iyo. Tulungan Mo akong makagawa ng Iyong ninanais, at maisakatuparan ko ang nakasisiya sa Iyo.
Tunay na Ikaw ang Panginoon ng buhay na ito at ng darating. Ikaw sa katotohanan, ang Laging Nagpapatawad, ang Pinakamahabagin.
Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Nakikita Mo ako at nababatid na tumawag ako sa Iyong mga tagapaglingkod upang sila’y huwag magbaling kahit saan liban sa kinaroroonan ng Iyong mga kaloob, at inatasan ko silang huwag gumawa ng anuman liban sa mga bagay na itinakda Mo sa Iyong malinaw na Aklat, ang Aklat na ipinapanaog ayon sa Iyong di malirip na kautusan at di-mababaling layunin.
Wala akong mabibigkas na salita, O aking Diyos, liban sa kung ako’y pahintulutan Mo, at hindi ako makatutungo saanman liban sa kung ako’y magtamo ng Iyong pagpapatibay, Ikaw, O aking Diyos, ang tumawag sa akin upang mabuhay sa pamamagitan ng lakas ng Iyong kapangyarihan, at pinuspos ako ng Iyong biyaya upang maipahayag ang Iyong Kapakanan. Sa gayon ako’y pinalasap ng gayong mga paghihirap na ang aking dila ay napigil sa pagpupuri sa Iyo at pagdadakila sa Iyong kaluwalhatian.
Lahat ng papuri ay mapasa-Iyo, O aking Diyos, dahil sa mga bagay na iniatas Mo para sa akin sa pamamagitan ng Iyong kautusan at ng lakas ng Iyong kapangyarihan. Isinasamo ko sa Iyo na ang aking sarili at silang nagmamahal sa akin ay pagtibayin Mo sa aming pag-ibig sa Iyo, at panatilin kaming matatag sa Iyong Kapakanan. Sumusumpa ako sa Iyong kapangyarihan! O aking Diyos! Ang kahihiyan ng Iyong tagapaglingkod ay ang matakpan ng waring isang lambong mula sa Iyo at ang kaniyang luwalhati ay ang makilala Ka. Nasasandatahan ng lakas ng Iyong Pangalan, walang anumang makasasakit sa akin, at dahil angkin ko ang Iyong pag-ibig sa aking puso lahat ng dusa ng daigdig ay hindi makapagdudulot sa akin ng pangamba.
Ihulog Mo, kung gayon, O Panginoon ko, sa akin at sa aking mga mahal yaong makapag-aadya sa amin sa kasamaan ng mga tumanggi sa Iyong katotohanan at hindi nanampalataya sa Iyong mga tanda. Tunay na Ikaw ang Maluwalhati sa Lahat, ang Pinakamapagpala.
Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Sumasamo ako sa Iyo sa Rebelasyon na ito na naging sanhi ng pagliliwanag ng karimlan, na sa pamamagitan niyon ay naitayo ang Templong Laging Dinadalaw, at naihayag ang Nakasulat na Tableta, at naalisan ng takip ang Rolyong Nakaladlad, na ihulog sa akin at sa mga nasa aking piling yaong makatutulot na kami’y pumailanlang sa mga langit ng Iyong nangingibabaw na kaluwalhatian, at makapaghuhugas sa amin ng mantsa ng mga alinlangang nakahahadlang sa mga mapaghinala mula sa pagpasok sa tabernakulo ng Iyong kaisahan.
Ako ay siya, O aking Panginoon, na mahigpit na nakahawak sa kuldon ng Iyong mapagmahal na kahabagan, at nakapangapit sa laylayan ng Iyong awa at tangkilik. Iatas Mo para sa akin at para sa aking mga mahal ang mabuti ng daigdig na ito at ng daigdig na darating. Pagkalooban sila, kung gayon, ng Tagong Handog na iniatas Mo para sa pinakatatangi sa Iyong mga nilalang.
Ito, O aking Panginoon, ang mga araw na ang Iyong mga tagapaglingkod ay inutusan Mong magsagawa ng pag-aayuno. Pinagpala siyang makapagsasagawa ng pag-aayuno alang-alang sa Iyo at nang may pagwalang-bahala sa lahat ng bagay liban sa Iyo. Tulungan ako at tulungan sila, O aking Panginoon, na makasunod sa Iyo at makapag-ingat sa Iyong mga panuntunan. Tunay na Ikaw ang may kapangyarihang makagawa ng Iyong nais.
Walang Diyos liban sa Iyo, ang Nakababatid ng Lahat, ang Marunong sa Lahat. Lahat ng pagpuri ay nauukol sa Diyos, ang Panginoon ng lahat ng daigdig.
Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Isinasamo ko sa Iyo, sa Iyong Pangalan na walang sinumang tunay na nakakilala at ang kahalagahan ay hindi natarok ng sinumang kaluluwa; Isinasamo ko sa Iyo, sa Kaniya na Siyang Ulong-bukal ng Iyong Rebelasyon at Araw-Bukal ng Iyong mga tanda, na ang aking puso ay gawing isang sisidlan ng Iyong pag-ibig at ng gunita sa Iyo. Ihabi Mo ito, kung gayon, sa Iyong pinakadakilang Karagatan, upang dumaloy buhat doon ang buhay na tubig ng Iyong karunungan at ang mga kristal na daloy ng pagluwalhati at pagpupuri sa Iyo.
Ang aking mga paa at kamay ay saksi sa Iyong kaisahan, at ang aking buhok ay nagpapahayag ng lakas ng Iyong paghahari at kapangyarihan. Tumayo ako sa pintuan ng Iyong biyaya nang buong kaabahan, at walang pahalaga sa sarili, at nangapit sa laylayan ng Iyong pagpapala, at nagpako ng aking mga mata sa sugpungang-guhit ng Iyong mga handog.
Gawin Mong hantungan ko, O aking Diyos, yaong karapat-dapat sa kadakilaan ng Iyong kamahalan, at tulungan Mo ako, sa pamamagitan ng Iyong nagpapalakas na biyaya, na maituro ang Iyong Kapakanan upang ang mga patay ay magmadaling palabas sa kanilang mga libingan, at magsidagsang patungo sa Iyo, nagtitiwalang ganap sa Iyo, at nagpapako ng kanilang paningin sa silangan ng Iyong Kapakanan, at sa pook-liwayway ng Iyong Rebelasyon.
Ikaw, tunay, ang Pinakamalakas, ang Kataas-taasan, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.
Luwalhatiin Ka, O Hari ng kawalang hanggan, at Maylikha ng mga bansa, at Mayhabi ng bawat nadudurog na buto! Idinadalangin ko sa Iyo, sa Iyong Pangalan na namagitan sa pagtawag Mo sa lahat ng sangkatauhan patungo sa sugpungang-guhit ng Iyong kamahalan at kaluwalhatian, at sa pagpatnubay Mo sa Iyong mga tagapaglingkod tungo sa liwasan ng Iyong biyaya at pagtatangkilik, na ibilang Mo ako sa mga nakapag-alis ng lahat ng kanilang sarili liban sa Iyong Sarili, at nakapag-ukol ng kanilang sarili tungo sa Iyo, at hindi napigil ng mga kasawiang-palad na gaya ng mga itinakda Mo sa pagbaling sa kinaroroonan ng Iyong mga handog.
Humawak ako, O aking Panginoon, sa ugit ng Iyong pagpapala, at mahigpit na nangapit sa laylayan ng damit ng Iyong pagtatangkilik. Ihulog, kung gayon, sa akin, buhat sa mga alapaap ng Iyong kagandahang-loob, yaong makapag-aalis sa akin ng gunita ng sinuman liban sa Iyo, at loobin Mong makabaling ako sa Kaniya na Kinauukulan ng pagsamba ng lahat ng sangkatauhan at laban sa Kaniya ay naihanay ang mga manunulsol ng paghihimagsik na lumabag sa Iyong banal na kasunduan, at hindi naniniwala sa Iyo at sa Iyong mga tanda.
Huwag mong ikait sa akin, O aking Panginoon ang mga kabanguhan ng Iyong kasuutan sa Iyong mga araw, at huwag ipagdamot sa akin ang mga hinga ng Iyong Rebelasyon sa paglitaw ng mga luningning ng liwanag ng Iyong mukha. Makapangyarihan Ka upang magawa ang ikinasisiya Mo. Walang makatututol sa Iyong kalooban, ni makabibigo sa nilayon Mo sa Iyong Kapangyarihan.
Walang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Matalino sa Lahat.
Purihin nawa ang Iyong Pangalan, O Panginoon kong Diyos! Ako ang Iyong tagapaglingkod na humawak sa kuldon ng Iyong masuyong kahabagan, at nangapit sa laylayan ng Iyong kasaganaan. Isinasamo ko sa Iyo sa Iyong Pangalang ginamit Mo sa pagsakop sa lahat ng kinapal na nakikita at di nakikita, at sa pamamagitan niyon ay naikalat sa buong santinakpan ang hiningang siyang tunay na buhay, isinasamo kong palakasin ako ng Iyong lakas na nakapalibot sa mga langit at sa lupa, at ipag-adya ako sa lahat ng pagkakaramdam at paghihirap. Saksi ako na Ikaw ang Panginoon ng lahat ng mga pangalan, at Tagapagatas ng lahat na ikasisiya Mo. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.
Iatas Mo para sa akin, O aking Panginoon, yaong pakikinabangan ko sa bawat daigdig ng Iyong mga daigdig. Tustusan Mo ako, kung gayon, niyong inilagda Mo sa Iyong mga pinili sa Iyong mga kinapal, na hindi nailayo sa Iyo ng pagsisi ng mga maninisi, ni ng pag-uudyok ng mga walang pananampalataya, ni ng paglayo ng mga nagsilayo sa Iyo.
Tunay na Ikaw ang Tulong sa Panganib sa pamamagitan ng lakas ng Iyong paghahari. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas.
Luwalhati Ka nawa, O Panginoon kong Diyos! Nagpapasalamat ako sa Iyo dahil nilikha Mo ako sa Iyong mga araw, at isinalin Mo sa akin ang Iyong pag-ibig at ang Iyong kaalaman. Nagsusumamo ako sa Iyo, sa Iyong pangalan na sa pamamagitan nito ang mabubuting mga perlas ng Iyong karunungan at Iyong mga salita ay inilabas mula sa mga kabanyaman ng mga puso nilang mga tagapaglingkod Mo na malalapit sa Iyo, at sa pamamagitan nito ang Pamimitak ng Iyong pangalan, ang Mapagmalasakit, ay nagbigay ng liwanag sa lahat ng nasa Iyong kalangitan at sa ibabaw ng Iyong lupa, na ipagkaloob sa akin sa pamamagitan ng Iyong biyaya at pagpapala, ng Iyong kamangha-mangha at natatagong mga biyaya.
Ito ang pinakamaagang mga araw ng aking buhay, O aking Diyos, na iniugnay Mo sa Sarili Mong mga araw. Ngayon na pinagkablooban Mo ako ng gayong kalaking karangalan, huwag Mong ipagkait sa akin yaong mga bagay na itinalaga Mo para sa Iyong mga napili.
Ako, O aking Diyos, ay isa lamang napakamunting binhi na itinanim Mo sa lupa ng Iyong pag-ibig, at tinulutang umusbong sa pamamagitan ng kamay ng Iyong pagpapala. Ang binhi na ito ay nagnanais, kung gayon, mula sa kaniyang kaibuturan, ng mga tubig ng Iyong Awa at ng nabubuhay na bukal ng Iyong pagpapala. Ipagkaloob sa kaniya, buhat sa langit ng Iyong mapagmahal na kagandahang loob, yaong makapagpapayabong sa kaniya sa lilim ng Iyong anino at sa loob ng mga hangganan ng Iyong liwasan. Ikaw ang Siyang nagdidilig sa mga puso ng lahat ng kumilala sa Iyo buhat sa Iyong masaganang sapa at buhat sa bukal ng Iyong nabubuhay na mga tubig.
Purihin ang Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig.
Luwalhati sa Iyo, O Panginoon kong Diyos! Huwag Mong abain siyang Iyong itinaas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iyong walang hanggang paghahari, at huwag ilayo sa Iyo siyang niloob Mong makapasok sa tabernakulo ng Iyong kawalang hanggan. Ititiwalag Mo ba, O aking Diyos, siyang nilukuban Mo ng Iyong Kapangyarihan at ilalayo Mo ba siya sa Iyo, O aking Hangarin, siyang Ikaw ang naging kanlungan? Maari Mo ba siyang hamakin, siyang itinaas Mo, o malilimot Mo ba siyang binigyan Mo ng kakayahang umalaala sa Iyo?
Ikaw ay niluluwalhati, lubos na niluluwalhati! Ikaw yaong buhat sa kawalang hanggan ay naging Hari ng buong santinakpan at ang Pangunahing Nagpapakilos dito, at magpakailanman ay manatili kang Panginoon ng lahat ng nilalang at Ikaw ang kanilang Tagapag-atas. Nasa kaluwalhatian Ka, O aking Diyos! Kung ihihinto Mo ang pagiging mahabagin sa Iyong mga tagapaglingkod, sino pa ang magpapamalas ng habag sa kanila? At kung tatanggi Kang sumaklolo sa Iyong mga minamahal, sino pa ang makasasaklolo sa kanila?
Ikaw ay niluluwalhati, di masukat ang pagluluwalhati sa Iyo! Sinasamba Ka sa Iyong katotohanan, at Ikaw ang tunay na sinasamba naming lahat; at Ikaw ay nahahayag sa Iyong katarungan, at sa Iyo tunay na kami ay nagbibigay-saksi. Ikaw, sa katotohanan, ay kaibig-ibig sa Iyong biyaya. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling Ganap.
O Diyos, na May-Akda ng Lahat ng Kahayagan, at Pinagmulan ng lahat ng mga Pinagmulan, na Ulong-Bukal ng lahat ng Rebelasyon, at Pinagbubukalan ng lahat ng mga Liwanag! Sumasaksi ako na sa Iyong Pangalan ang langit ng pag-unawa ay pinalamutihan, at ang karagatan ng pananalita ay dumaluyong, at ang mga kaloob ng Iyong pagpapala ay pinalaganap sa mga tagasunod ng lahat ng relihiyon.
Isinasamo ko sa Iyo na payamanin Mo ako nang upang hindi na umasa sa lahat liban sa Iyo, at upang maging malaya ako sa anuman liban sa Iyong Sarili. Paulanin Mo, kung gayon, sa akin buhat sa mga alapaap ng Iyong pagpapala yaong pakikinabangan ko sa bawat daigdig ng Iyong mga daigdig. Tulungan Mo ako, kung gayon sa pamamagitan ng Iyong nagpapalakas na biyaya, upang makapaglingkod sa Iyong Kapakanan sa piling ng Iyong mga tagapaglingkod at nang maipakita ko yaong magtutulot na ako’y maalaala habang nananatili ang Iyong sariling Kaharian at nabubuhay ang Iyong mga sakop.
Ito ang Iyong mga tagapaglingkod, O aking Panginoon, na nagbaling ng kanilang buong katauhan sa sugpungang guhit ng Iyong pagpapala at sa karagatan ng Iyong biyaya at sa langit ng Iyong mga kaloob. Gawin Mo sa akin, kung gayon, ang minamarapat ng Iyong kamahalan, at ng Iyong kaluwalhatian at ng Iyong pagpapala, at ng Iyong biyaya.
Ikaw, sa katotohanan, ang Diyos ng lakas at kapangyarihan, na nakatutugon sa lahat ng nagsisidalangin sa Iyo. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.
Dakilain ang Iyong pangalan, O aking Diyos, sapagkat ipinamalas Mo ang Araw na Siyang Hari ng mga Araw, ang Araw na ipinahayag mo sa Iyong mga Hinirang at mga Propeta sa Iyong pinakamagaling na mga tableta, ang Araw na dito’y ibinubuhos Mo ang liwanag ng luwalhati ng lahat ng nilikhang mga bagay. Napakalaki ng kaniyang biyaya sinumang sinaayos ang kaniyang sarili patungo sa Iyo, at pumasok sa Iyong kinaroroonan, at naulinigan ang mga himig ng Iyong boses.
Ako ay sumasamo sa Iyo, O aking Panginoon, sa ngalan Niya na Siyang nililibitan sa pagsamba ang kaharian ng Iyong mga pangalan, na magiliw Mong tutulungan silang malapit sa Iyo na luwalhatiin ang Iyong salita sa Iyong mga tagapaglingkod at ikalat sa ibayong lugar ang pagpuri sa Iyo sa Iyong mga nilikha, upang ang mga lubos na kagalakan ng Iyong Rebelasyon ay mapuspos ang mga kaluluwa ng lahat ng naninira han sa Iyong sangkalupaan.
Ngayon na pinatnubayan Mo sila, O aking Panginoon, patungo sa mga buhay ng tubig ng Iyong pagpapala, ipagkaloob sa pamamagitan ng Iyong biyaya, na hindi sila mailayo sa Iyo; at ngayong ipinatawag Mo na sila sa kinaroroonan ng Iyong trono, huwag Mo silang palayasin sa Iyong harapan, sa pamamagitan ng Iyong mapagmahal na kabaitan. Ipadala Mo sa kanila yaong buong makapaglalayo sa kanila sa lahat maliban sa Iyo, at pahintulutan silang pumailanlang sa kalawakan ng Iyong kalapitan, sa isang paraan na kahit na ang tagumpay ng manlulupig o ang mga sulsol nila na mga hindi naniniwala sa Iyong pinakadakila at pinakamalakas na Sarili ay di-magkakaroon ng bisa na ilayo sila sa Iyo.
O Ikaw na ang pagkalapit sa Iyo ay siyang aking nais, na ang pagkamalas sa Iyo ay siyang aking pag-asa, na ang pagkagunita sa Iyo ay siyang aking hangarin, na ang liwasan ng Iyong luwalhati ay siyang aking tunguhin, na ang tahanan Mo ay aking layunin, na ang pangalan Mo ay siyang aking lunas, na ang pag-ibig Mo ay siyang magpapaningning sa aking puso, na ang paglilingkod sa Iyo ang aking pinakamataas na adhikain! Isinasamo ko sa Iyo sa Iyong Pangalan na sa pamamagitan nito pumailanlang silang mga nakakilala sa Iyo sa pinakamataas na kabatiran tungkol sa Iyo at silang mga matatapat na sumasamba sa Iyo ay magkaroon ng lakas na makaakyat sa mga kapaligiran ng liwasan ng Iyong banal na pagtatangkilik, na tulungan Mo akong magbaling ng aking mukha tungo sa Iyong mukha, magpako ng aking mga mata sa Iyo, at magsaysay ng Iyong kaluwalhatian. Ako, O aking Panginoon, yaong nakalimot sa lahat ng iba pa liban sa Iyo, at nagbaling sa Pamimitak ng Iyong biyaya, yaong nag-iwan ng lahat liban sa Iyong sarili sa pag-asang malalapit sa Iyong liwasan. Masdan Mo ako na ang aking mga mata’y nakatitig nang paitaas sa Luklukang pinakikinang ng mga sinag ng liwanag ng Iyong Mukha. Ihulog Mo sa akin, O aking Mahal, yaong makatutulong na ako’y maging matatag sa Iyong Kapakanan, upang ang mga pag-aalinlangan ng mga walang pananampalataya ay hindi makahadlang sa akin sa patungo sa Iyo.
Ikaw, tunay, ang Diyos ng Kalakasan, ang Tulong sa Panganib, ang Malu walhati sa Lahat, ang Makapangyarihan sa Lahat.
Nasa kaluwalhatian Ka, O aking Diyos! Nagpapasalamat ako sa Iyo sapagkat ipinakilala Mo sa akin Siya na Pamimitak ng Iyong kahabagan, at Pook-Liwayway ng Iyong biyaya, at Tinggalan ng Iyong Kapakanan. Isinasamo ko sa Iyo sa Iyong Pangalan, na sa pamamagitan niyon ay pumuti ang mga mukha ng malapit sa Iyo, at ang mga puso ng matatapat sa Iyo ay mabilis na nakalipad patungo sa Iyo na ipagkaloob Mong makahawa ako sa Iyong Kuldon sa lahat ng sandali at sa ilalim ng lahat ng kalagayan, at maputol ang lahat ng pagkakaugnay ko sa sinuman liban sa Iyo, at mapanatili ko ang aking paninging nakatuon sa sugpungang-guhit ng Iyong Rebelasyon, at nawa’y maisagawa ko ang iniatas Mo sa akin sa Iyong mga tableta.
Damtan Mo, O aking Panginoon, kapwa ang aking panloob at panlabas na katauhan, ng damit ng Iyong mga pagtatangkilik at ng Iyong mapagmahal na kahabagan. Ingatan Mo akong ligtas, kung gayon, sa anumang kasuklam suklam sa Iyo, at buong kagandahang loob na tulungan Mo ako at ang aking mga kaanak na makasunod sa Iyo, at malayuan ang anumang nakapupukaw ng anumang kasamaan o balakyot na hangarin sa loob ng aking sarili.
Tunay na Ikaw ang Panginoon ng lahat ng tao, ang nagmamay-ari sa daigdig na ito at sa susunod. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.
Luwalhati sa Iyo, O Panginoon kong Diyos! Isinasamo ko sa Iyo sa Iyong Pangalan, na sa pamamagitan niyon ay itinaas Mo ang mga bandila ng Iyong pamamatnubay, at pinadaloy ang ningning ng Iyong mapagmahal na kahabagan, at ipinahayag ang kapangyarihan ng Iyong pagka-Panginoon; na sa pamamagitan niyon ay lumitaw ang lampara ng Iyong mga pangalan sa loob ng kinalalagyan ng Iyong mga katangian, at Siya na Tabernakulo ng Iyong kaisahan at Kapahayagan ng pagkakatiwalag ay sumikat; na sa pamamagitan niyon ay naipakilala ang mga daan ng Iyong pamamatnubay, nabigyang-tanda ang mga landas ng Iyong mabuting kasiyahan; na sa pamamagitan niyon ang mga saligan ng katiwalian ay nagawang mayanig at ang mga tanda ng kasamaan ay naiwaksi; na sa pamamagitan niyon ang mga bukal ng kadunungan ay bumulwak, at naibaba ang makalangit na hapag; na sa pamamagitan niyon ay napangalagaan Mo ang Iyong mga tagapaglingkod at naipagkaloob ang Iyong pagpapagaling; na sa pamamagitan niyon ay naipakita Mo ang Iyong masuyong mga habag sa Iyong mga tagapaglingkod at naipahayag ang Iyong pagpapatawad sa Iyong mga nilalang—isinasamo ko sa Iyo na ingatan siya na mahigpit na nangangapit at nagbalik sa Iyo, at nanghahawak sa Iyong habag, at nakakapit sa laylayan ng Iyong mapagmahal na kalinga. Ihulog Mo, kung gayon, sa kaniya ang Iyong lunas, at siya’y pagalingin Mo, at bigyan Mo siya ng hindi nagbabagong katapatan na ipinagkaloob Mo, at ng katiwasayan na kaloob ng Iyong Kataasan.
Tunay na Ikaw ang Tagapagpagaling, ang Tagapagbuhay, ang Tumutulong, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Malakas, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Nakababatid ng Lahat.
Purihin nawa ang Iyong Pangalan, O aking Diyos at Diyos ng lahat ng bagay, aking Luwalhati at Luwalhati ng lahat ng bagay, aking Hangarin at Hangarin ng Lahat ng bagay, aking Lakas at Lakas ng lahat ng bagay, aking Hari at Hari ng lahat ng bagay, aking Tagapagmay-ari at Tagapagmay-ari ng lahat ng bagay, aking Layunin at Layunin ng lahat ng bagay, aking Tagapagpakilos at Tagapagpakilos ng lahat ng bagay! Huwag Mong tulutan, isinasamo ko sa Iyo, na ako’y mapigilan mula sa karagatan ng Iyong mga masuyong kahabagan, ni huwag Mong itulot na ako ay maging malayo sa mga dalampasigan ng pagkakalapit sa Iyo.
Walang iba pa liban sa Iyo, O aking Panginoon, na nakapagdudulot ng ikinabubuti ko, at ang pagkalapit sa sinuman liban sa Iyo ay walang naibibigy na mabuti sa akin. Isinasamo ko sa Iyo sa kasaganaan ng Iyong mga kayamanan, na siyang dahilan kung bakit hindi Mo kailangan ang iba pa liban sa Iyo, na ibilang Mo ako sa mga nagharap ng kanilang mukha tungo sa Iyo at nagsibangon upang maglingkod sa Iyo.
Patawarin, kung gayon, O aking Panginoon, ang Iyong mga tagapaglingkod at ang Iyong mga babaeng naglilingkod. Tunay na Ikaw ang Laging Nagpapatawad, ang Pinakamahabagin.
Maraming malamig na puso, O aking Diyos, ang pinapagningas ng apoy ng Iyong Kapakanan, at maraming nangatutulog ang ginising ng katamisan ng Iyong tinig. Gaano karami ang di-kilala na nakatagpo ng kanlungan sa lilim ng anino ng punong-kahoy ng Iyong kaisahan, at gaano karami ang humihingal para sa bukal ng Iyong buhay na mga tubig sa Iyong mga araw!
Pinagpala siya na nag-ukol ng sarili sa Iyo, at nagmadaling makarating sa Pamimitak ng mga liwanag ng Iyong mukha. Pinagpala siya na buong pag-ibig na bumaling sa Pook-Liwayway ng Iyong Rebelasyon at sa Ulong-Bukal ng Iyong inspirasyon. Pinagpala siya na gumugol sa Iyong landas ng ipinagkaloob Mo sa kaniya sa pamamagitan ng Iyong pagpapala at pagtatangkilik. Pinagpala siya na sa kaniyang masidhing paghahangad sa Iyo ay nag-alis ng lahat liban sa Iyong Sarili. Pinagpala siya na nagtamasa ng matalik na pakikipag-isa sa Iyo at pumutol sa lahat ng kaniyang pakakaugnay sa sinuman liban sa Iyo.
Isinasamo ko sa Iyo, O aking Panginooon, sa Kaniya na Iyong Pangalan na sa pamamagitan ng lakas ng Iyong paghahari at kapangyarihan ay nakasikat sa itaas ng sugpungang-guhit ng Kaniyang bilangguan, na iatas Mo para sa bawat isa yaong marapat sa Iyo at minamarapat ng Iyong karangalan.
Ang Iyong kapangyarihan, sa katotohanan, ay katimbang ng lahat ng bagay.
O Ikaw na ang mukha ay siyang hantungan ng aking pagsamba, na ang kagandahan ay siyang aking kanlungan, na ang tirahan ay siyang aking hangarin, na ang pagpuri ay siyang aking pag-asa, na ang kalinga ay siyang aking kasama, na ang pag-ibig ay siyang dahilan ng aking pagkabuhay, na ang pagbanggit ay siyang aking kaaliwan, na ang pagkakalapit ay siyang aking hangarin, na ang makapiling Ka ay siyang aking pinakananais at pinakamataas napangarap, isinasamo ko sa Iyo na huwag Mo akong pagkaitan ng mga bagay na itinalaga mo para sa mga pinili sa Iyong mga tagapaglingkod. Pagkalooban Mo ako, kung gayon, ng mga kabutihan sa daigdig na ito at sa susunod.
Tunay na Ikaw ang Hari ng lahat ng tao. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Laging Nagpapatawad, ang Pinakabukas-palad.
Luwalhatiin Ka, O aking Diyos! Ako ay isa sa Iyong mga tagapaglingkod na sumasampalataya sa Iyo at sa Iyong mga tanda. Nakikita Mo kung paano naitungo ko ang aking sarili sa pintuan ng Iyong kahabagan, at naibaling ko ang aking mukha sa kinaroroonan ng Iyong mapagmahal na kabaitan. Isinasamo ko sa Iyo, sa Iyong pinakamagaling na mga pamagat at sa Iyong pinakamaluwalhating mga katangian, na buksan sa harap ko ang mga pinto ng Iyong mga kaloob. Tulungan Mo ako, kung gayon, na makagawa ng mabuti, O ikaw na Nagmamay-ari ng lahat ng pangalan at katangian!
Ako ay dukha, O aking Panginoon, at Ikaw ang mayaman. Iniharap ko ang aking mukha sa Iyo, at inihiwalay ko ang aking sarili sa lahat liban sa Iyo. Huwag Mong ipagkait sa akin, isinasamo ko sa Iyo, ang mga simoy ng Iyong masuyong kahabagan, at huwag Mong ilingid sa aking yaong mga iniatas Mo para sa pinili sa Iyong mga tagapaglingkod.
Alisin ang lambong sa aking mga mata, O aking Panginoon, upang makita ko yaong hinahangad Mo para sa Iyong mga kinapal, at matuklasan ko sa lahat ng kaanyuan ng Iyong makapangyarihang lakas. Puspusin ang aking kaluluwa, O Panginoon ko, ng Iyong pinakamakapangyarihang mga tanda, at hanguin Mo ako buhat sa kailaliman ng aking balakyot at masasamang hangarin. Isulat kung gayon, para sa akin ang mabubuting bagay ng daigdig na ito at ng daigdig na darating. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Maluwalhati sa Lahat, na ang tulong ay hinahangad ng lahat ng tao.
Nagpapasalamat ako sa Iyo, O aking Panginoon, sapagkat ginising Mo ako sa pagkakatulog, at pinabangon Mo ako, at nilikha Mo sa akin ang paghahangad na mabatid yaong ang karamihan ng Iyong mga tagapaglingkod ay nabigong maunawaan. Bigyan Mo ako ng kakayahan, kung gayon, O aking Panginoon, na mamalas, alang-alang sa pag-ibig sa Iyo at sa Iyong ikasisiya, ang anumang ninais Mo. Ikaw Siya na ang lakas ng kapangyarihan at paghahari ay sinasaksihan ng lahat ng bagay.
Walang iba pang Diyos liban sa Iyo ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagpala.
Lahat ng papuri, O aking Diyos ay suma-Iyo nawa, Ikaw na Pinagmumulan ng lahat ng kaluwalhatian at kamahalan, ng kadakilaan at karangalan, ng paghahari at pamumuno, ng kataasan at biyaya, ng pagkamangha at kapangyarihan. Sinumang marapatin Mo ay niloloob Mong mapalapit sa Pinakadakilang Karagatan at sinumang naisin Mo ay pinagkalooban Mo ng karangalang makilala ang Iyong Lubhang Napakatandang Pangalan. Sa lahat ng nasa langit at lupa, walang sinumang makatututol sa pagsasakatuparan ng Iyong makapangyarihang Kalooban. Buhat sa lahat ng walang-hanggan ay pinamahalaan Mo ang buong santinakpan, at magpakailan man ay magpapatuloy Kang mamahala sa lahat ng kinapal. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamaluwalhati, ang Malakas sa Lahat, and Marunong sa Lahat.
Tanglawan, O Panginoon, ang mga mukha ng Iyong mga tagapaglingkod, upang mamalas Ka nila; at linisin ang kanilang mga puso upang sila’y manumbalik sa liwasan ng Iyong mga panlangit na pagtatangkilik, at makilala nila Siya na Kapahayagan ng Iyong Sarili at Araw Bukal ng Iyong Diwa. Tunay na Ikaw ang Panginoon ng lahat ng daigdig. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Di-napipigilan, ang Nakasasakop sa Lahat.
Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Ito ay Iyong tagapaglingkod na uminom buhat sa mga kamay ng Iyong biyaya ng alak ng Iyong masuyong kahabagan, at nakatikim ng tamis ng Iyong pag-ibig sa Iyong mga araw. Isinasamo ko sa Iyo sa mga kumakatawan sa Iyong mga pangalan na hindi mapipigilan ng anumang dalamhati sa pagdiriwang sa Iyong pag-ibig o sa pagmamalas sa Iyong mukha, at walang kakayahan ang lahat ng mga kawan ng mga pabaya na ilihis sila buhat sa landas na Iyong ikinasisiya, na pagkakalooban Mo siya ng mabubuting bagay na inaangkin Mo, at dalhin Mo siya sa kataasan upang buhat doon ay maituring niya ang daigdig na isang aninong nawawala nang mabilis pa sa isang kisapmata.
Ingatan Mo rin siyang ligtas, O aking Diyos, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iyong di-masukat na kamahalan, mula sa lahat ng Iyong kinasusuklaman. Tunay na Ikaw ang kaniyang Panginoon at ang Panginoon ng lahat ng daigdig.
Dumakila nawa ang Iyong Pangalan, O Panginoon kong Diyos! Ikaw yaong sinasamba ng lahat ng bagay at yaong walang sinasambang sinuman, ang Panginoon ng lahat ng bagay at hindi tagasunod ng sinuman, ang nakababatid ng lahat ng bagay at hindi batid ng sinuman. Ninais Mong ipakilala ang Iyong sarili sa mga tao; kung kaya sa pamamagitan ng isang salita ng Iyong bibig, nilalang Mo ang mga kinapal at nilikha ng daigdig. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Manlilikha, ang Maykapal, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Pinakamalakas.
Isinasamo ko sa Iyo, sa salitang ito na nagninging sa itaas ng sugpungang-guhit ng Iyong kalooban, na tulutan Mong makainom akong mabuti sa mga buhay na tubig na ibinuhay Mo sa mga puso ng Iyong mga pinili at bumuhay sa mga kaluluwa ng mga umiibig sa Iyo, nang magawa ko, sa lahat ng sandali at sa lahat ng kalagayan, na ganap na maibaling ang aking mukha sa Iyo.
Ikaw ang Diyos ng lakas, ng kaluwalhatian at pagpapala. Walang Diyos liban sa Iyo, Ikaw ang Pinakamataas na Tagapamahala, ang Pinakamaluwalhati sa Lahat, ang Marunong sa Lahat.
- Dapat usalin sa tanghali
Saksi ako, O aking Diyos, na nilalang Mo ako upang kumilala sa Iyo at sumamba sa Iyo. Sumasaksi ako, sa sandaling ito, sa aking kawalang-lakas at sa Iyong kapangyarihan, sa aking karukhaan at sa Iyong kayamanan.
Walang iba pang Diyos liban sa Iyo, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.p.